Pinag-aaralan ng kampo ni dating Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor ang posibleng pagsasampa ng reklamong administratibo o kriminal laban kay National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag kaugnay ng umano’y paulit-ulit na pagpapatawag sa kanya sa isinasagawang imbestigasyon sa tinaguriang “maleta boys.”
Sa isang panayam, sinabi ni Atty. Ferdinand Topacio, abogado ni Defensor, na posibleng dalhin ang reklamo sa Department of Justice (DOJ) o Office of the Ombudsman kung magpapatuloy ang tinatawag nilang “pattern of harassment” laban sa kanilang kliyente.
Ayon kay Topacio, kung naniniwala ang NBI na may nagawang paglabag sa batas si Defensor, dapat umano itong idaan sa tamang proseso sa pamamagitan ng pagsasampa ng pormal na kaso sa piskalya sa halip na paulit-ulit na pagpapadala ng subpoena.
Iginiit ng abogado na may umiiral na mga batas na nagtatakda ng pananagutan sa mga opisyal ng gobyerno na umano’y umaabuso sa kapangyarihan. Binigyang-diin din niya na maaari umanong maging complainant ang NBI sa halip na magpatuloy sa pagpapatawag ng mga testigo kung may nakikitang ebidensya.
“Pwede naman kayo mag-file sa prosecution office ng demanda kung tingin nyo ay may krimen… huwag itong patawag kayo ng patawag ng never-ending,” ani Topacio.
Nag-ugat ang isyu matapos muling ipatawag ng NBI si Defensor kaugnay ng imbestigasyon sa sinasabing “maleta boys” na iniuugnay sa maanumalyang flood control project.
Hindi dumalo si Defensor sa ikalawang subpoena hearing na itinakda ng ahensya.
Batay sa mga alegasyon, sinasabing nagbigay umano si Defensor ng tig-P5 million sa mga indibidwal na tinutukoy na dating “bagman” ni dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co kapalit ng kanilang testimonya sa imbestigasyon.
Nauna nang sinabi ni Matibag na may kabuuang 18 katao ang umano’y tumanggap ng tig-P5 million bilang kapalit ng kanilang mga pahayag.
















