Masayang ibinalita ni Miss World Philippines Michelle Dee na otomatiko na siyang nakapasok sa Top 40 hanggang sa Final 20 ng Miss World pageant.

Sa tinatawag na Instagram Story, ibinahagi ni Dee na sa Top 40 ay dahil sa pagkakapanalo nito sa Head to Head challenge kung saan isa-isang nagtalumpati ang mga kandidata tungkol sa kani-kanilang advocacy.

Dito ay inamin ng 23-year-old model na ang kanyang advocacy ay bunga ng pagkakaroon niya ng dalawang kapatid na kapwa mayroong autism.

Maliban dito, nakaabot din sa Final 20 ang kanyang “Beauty With A Purpose” project na dating Miss World Scholarship.

Binibigyan naman dito ng pagkilala ang kandidata na may “most relevant and important charity projects” sa kanyang bansa.

Una nang nakapasok si Dee sa Miss World Top Model Top 40.

Sa December 14 sa London, tatangkain ni Dee na maibigay sa Pilipinas ang pangalawang Miss World crown na unang nasungkit ni Megan Young noong 2013.

Una nang ikinatuwa ng kanyang inang si 1979 Miss International Melanie Marquez na nagbunga ang pagsisikap ng anak nito sa larangan ng beauty pageant.