KALIBO, Aklan — Nanindigan si Malay Sangguniang Bayan member Alan Palma, Sr., na ang operasyon at pamamahala sa Isla ng Boracay ay mananatili sa poder ng mga Aklanon kaysa permanenteng i-take-over ng national government.
Ito ay kasunod sa muling pagbuhay sa panukalang batas na bubuo ng government-owned and-controlled corporation (GOCC) na siyang mamamahala sa sikat na tourist spot.
Ang House Bill 1085 o Boracay Island Development Authority o BIDA-GOCC bill ay isinalang na sa unang pagbasa sa Mababang Kapulungan ng Kongreso sa kabila ng mahigpit na pagtutol dito ng mga lokal na opisyal, iba’t-ibang grupo at iba pa.
Aniya, nangangamba sila na mawalan ng karapatan ang mga Aklanon dahil sakaling matuloy, ang koleksyon na lamang sa real estate tax ang mapupunta sa kanila.
Kung nagkaroon man aniya ng kapabayaan noong 2018 na nagbunsod sa pagpapasara sa isla para sa rehabilitasyon, hindi lamang ang mga LGUs ng Aklan at Malay ang may kasalanan. Nagkaroon rin umano ng kakulangan lalo na sa monitoring ang mga kaukulang ahensiya ng gobyerno kagaya ng DILG, DoT, DENR, DTI at DPWH.
Sa kabila umano na nagtagumpay ang rehabilitasyon sa isla sa pangunguna ng dating Boracay Inter-Agency Task Force, ngunit walang karapatan ang gobyerno nasyunal na angkinon ang Boracay.
Mungkahi pa nito na maaring magpatayo ng isang gusali ang nasabing mga ahensiya ng pamahalaan upang matutukan ang kalagayan ng Boracay sa halip na kuhaan ng hanapbuhay at income.
Ipinangako rin nito ang kanilang 100% na suporta sa pamahalaan.
Sa ilalim ng BIDA-GOCC bill, sila ang magkakaroon ng karapatang magbigay ng kontrata, magpa-renta, bumili, magbenta, mamahala at mag-dispose ng real property sa naturang lugar.