IMG 20190919 144553
DoJ usec. and Spokesman Markk Perete

Ipinaliwanag ng Department of Justice (DoJ) na kailangang i-release na ng Bureau of Corrections (BuCor) ang ilang ex-convicts na kusang sumuko matapos ang ultimatum ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay DoJ Usec. at Spokesman Markk Perete, ang ire-release na mga sumuko ay ang mga hindi naman nakinabang sa good conduct time allowance (GCTA) Law.

Ang iba namang dating mga bilanggo ay dinala na sa hindi pa masyadong congested na mga pasilidad para hindi magsiksikan sa New Bilibid Prison (NBP).

Mayroon na rin umanong contingency plans ang BuCor para matugunan ang food at sanitation concerns.

Samantala, dakong alas-9:00 kaninang umaga, aabot na sa 2,221 na dating mga inmate ang sumuko at 1,985 sa mga ito ang nasa BuCor habang 236 naman ang nananatili pa rin sa kustodiya ng PNP.

Maalalang 1,914 lamang ang pinasusuko ng Pangulong Duterte pero noong Sabado nasa 130 pa ang sumuko at nadagdagan pa ito ngayong araw ng 82.