NBI chief Lavin
NBI Deputy Director Ferdinand Lavin

Pormal nang isinampa na ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Department of Justice (DoJ) ang kasong graft laban sa ilang opisyal ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Bureau of Customs (BoC) dahil sa iligal na importasyon ng mga basura mula sa Canada.

Ayon kay NBI Deputy Director and Spokesman Ferdinand Lavin, kabilang sa mga nahaharap sa kaso ay sina DENR Undersecretary Atty Juan Miguel T. Cuna, DENR Environmental Management Bureau personnel Irvin G. Cadavona, Geri Geronimo R. Sanez at Renato T. Cruz; gayundin sina BOC personnel Benjamin T. Perez, Jr., Eufracio L. Ednaco, Matilda G. Bacongan at Jose A. Saromo.

Sinabi ni Lavin na siyam na buwan na masusing inimbestigahan ng NBI-Environmental Crime Division ang kaso na naisampa noong Enero 17, 2020.

Napatunayan aniya ng NBI na nagkaroon ng kapabayaan sa panig ng mga respondent kaya malayang nakapasok sa bansa ang toxic waste ng Canada.

Nakita aniya ng NBI na inisyuhan ng import clearances ang Chronic Plastic Inc. para sa iba’t ibang importasyon ng scrap plastic materials kahit na kulang ng impormasyon o detalye para sa import clearance.

Natuklasan din ng NBI na ang mga importasyon ng Chronic Plastics Inc. ay nailabas sa Customs kahit na kuwestiyonable ang importation clearances nito.

Kabilang sa mga kasong haharapin ng mga respondent sa DoJ ay paglabag sa Republic Act 6969 o Toxic Substances and Hazardous and Nuclear Waste Control Act of 1990; at RA 3019 o ang Anti-Graft and Corrupt Practices Act.