-- Advertisements --

Nangangamba si Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chairman Benhur Abalos na posibleng maging super spreaders ng COVID-19 infection ang mga taong dumadagsa sa dolomite beach sa Manila Bay.

Hanggang kahapon kasi ay marami pa rin ang nagpupunta sa dolomite beach na binuksan ulit sa publiko nong weekend.

Umaapela si Abalos sa mga pupunta sa dolomite beach na maging disiplinado at palaging isaisip ang health protocols sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Kahapon inamin ni DENR Usec. Jonas Leones na hindi nila inasahan ang dami ng mga taong pupunta sa dolomite beach nang muli nila itong binuksan sa publiko.

Hirap din aniya silang ipatupad ang social distancing sa lugar dahil karamihan sa mga nagpupunta doon ay magkakamag-anak.

-- Advertisement --

Mababatid na sumabay ang muling pagbubukas ng Dolomite beach sa pagkakataon na ang alert level status ng Metro Manila ay binabaan.

Pero ayon kay Leones, hindi naman nila ito sinadya sapagkat matagal nang nakaplano ang schedule para sa reopening ng dolomite beach.