Gumugulong na ang imbestigasyon ng Philippine National Police-Internal Affairs Service (PNP-IAS) laban sa mga pulis na nanguna sa pagsalakay sa bahay ng mga Parojinog noong Linggo ng madaling araw sa Ozamiz City na ikinasawi ni Mayor Reynaldo Parojinog at 15 iba pa.

Ayon kay PNP-IAS Inspector General Atty Alfegar Triambulo, sinimulan na nilang kunan ng salaysay ang mga testigo sa madugong Ozamiz drug raid.

Bukod aniya sa mga witness, kinakausap na rin ng mga imbestigador ang mga pulis na sangkot sa operasyon.

Hindi naman masabi ni Triambulo kung kailan matatapos ang kanilang imbestigasyon.

Sinabi ni Triambulo na kaniya nang inatasan si IAS-Region 10 regional director S/Supt. Gerry Galvan para mag-set ng timeline ng kanilang imbestigasyon lalo na ngayong may inihain na resolusyon para imbestigahan ang Ozamiz raid sa Senado.

Nabatid na tatlong unit ng PNP ang naglunsad ng operasyon kung kaya kakailanganin nila ng mahaba-habang panahon.