Nasa floating status na ngayon ang 16 na pulis ng National Capital Region Police Office-Special Weapons and Tactics (NCRPO-SWAT) na tinanggal na sa New Bilibid Prison (NBP) matapos masangkot sa tangkang pagpasok ng kontrabando sa national penitentiary.

Maalalang kamakailan ay nakumpiska ang mga sigarilyo at alak sa loob ng NBP at sinasabing nagkakahalaga ang isang bote ng alak ng P10,000 hanggang P20,000.

Sinabi ni NCRPO Chief Police Brig. Gen. Debold Sinas na sa ngayon ay balik headquarters na muna ang kanilang mga tauhan na nadestino sa Bilibid.

Kasama raw sa mga ni-recall mula sa Bilibid ang 16 na pulis na inaakusahang nagtangkang magpuslit ng mga kontrabando sa NBP.

Tiniyak ni Sinas na sasampahan nila ang mga pulis ng kasong administratibo at pinag-aaralan na rin an mga posibleng kasong kriminal laban sa mga ito.

Dahil sa kinasangkutang kontrobersiya ng 16 na tauhan ng NCRPO, plano ng NCRPO na kung sakaling hihiling ulit ng karagdagang tauhan ng NBP mula sa kanila ay dapat na hanggang 30 araw nalang ang deployment sa loob ng pambansang piitan.