-- Advertisements --

Hinihimok ng pamahalaan ang mga hindi pa nakapagpabakuna na samantalahin ang pagpapalawig sa “Bayanihan, Bakunahan” COVID-19 (Coronavirus Disease 2019) national vaccination drive hanggang bukas, Disyembre 3.

Ayon kay National Task Force (NTF) Against COVID-19 spokesperson Restituto Padilla, mahigit 5 million jabs ang naiturok sa unang dalawang araw ng nationwide vaccination drive na ito.

Kung maaalala, target ng pamahalaan na makapagbakuna ng nasa 9 million Pilipino sa Bayanihan, Bakunahan program.

Nasa 8,000 vaccination sites ang activated, habang 20,000 naman ang volunteers kabilang na ang mga galing sa uniformed service.

Naunang itinakda ang Bayanihan, Bakunahan vaccination drive mula Nobyembre 29 hanggang Disyembre 1 lamang.

Sakop dito ang general population, mga batang edad 12 hanggang 17, at booster shots para sa mga healthcare workers, senior citizens, at immunocompromised.