Hinikayat ni Australian Ambassador to the Philippines Hae Kyong Yu ang mga Pilipino na huwag matakot na mag-apply ng Australian visa kasabay ng pag engganyo sa mga Pinoy na bumisita sa kanilang bansa na tinaguriang “Land Down Under”.
Sa inilunsad na Come and Say G’Day global tourism campaign ng Australia sa Pilipinas ngayong linggo, sinabi ng Australian envoy na asahan ng mga Pinoy ang mas mailing proseso ng pagkuha ng visa sa pamamagitan lamang ng pagsunod sa guidelines na makikita sa kanilang website at pagsusumite ng mga kaukulang mga dokumento.
Ayon pa kay Yu, maaaring makuha ng mga aplikanteng Pinoy ang kanilang visa sa loob ng 10 hanggang 14 na araw.
Ginawa aniyang mabilis ang proseso dahil todo aniya ang kanilang pagsusumikap para mabawasan ang nakabinbing visa applications bunsod na rin ng epekto ng pandemya.
Ipinagmalaki din ng Australian envoy ang mga iconic attractions sa kanilang bansa gaya ng Sydney Harbour Bridge at ang Great Barrier Reef at marami pang ibang mga lugar na maaaring i-explore ng mga Pinoy sa ibang bahagi ng Australia.
Una rito, pormal na inilunsad ni Australian Minister for Trade and Tourism Don Farrell ang travel campaign ngayong linggo sa Maynila kung san nakipagkita rin ito sa mga opisyal ng gobyerno ng Pilipinas para mapalakas pa ang economic engagement ng Australia at Pilipinas.
Bago pa man tumama ang pandemya, ayon sa Australian Ambassador to the Philippines na nasa halos 160,000 arrivals ang naitala mula sa Pilipinas kung saan nasa ika-15 ang bansa sa pinakamalaking source market para sa Australia pagdating as visitors at ika-21 naman sa visitor spend.