MANILA – Aabot na sa 18,141 ang kabuuang bilang ng mga Pilipinong tinamaan ng pandemic na coronavirus disease (COVID-19) habang nasa ibang bansa.

Batay sa datos ng Department of Foreign Affairs (DFA), pitong bagong kaso ng COVID-19 ang naitala mula sa mga Pilipino abroad. Mula raw sila sa mga bansa sa Asia and the Pacific region.

“Today, the DFA received a lone report from a country in Asia and the Pacific, confirming 7 new COVID-19 case,” ayon sa ahensya.

Wala namang naitalang bagong gumaling at namatay, kaya nananatili sa 11,142 ang total recoveries at 1,115 ang total deaths.

Ayon sa Foreign Affairs department, tinatayang nasa 5,884 pa ang mga nagpapagaling na COVID-infected Pinoys abroad.

Naitala ang mga kaso ng Pilipinong may coronavirus sa 91 bansa.

Pinakamarami ang nai-report sa Middle East/Africa region na nasa 10,421. Sumunod sa Asia-Pacific region na may 3,469 cases, at Europe na umabot sa 3,332 COVID-19 cases.

Habang 919 na Pinoy ang nag-positibo sa COVID-19 sa North at South America.