-- Advertisements --

PASIG1

Ipinag-utos ng Regional Trial Court ng Pasig Branch 268 ang pag-aresto sa anim na matataas na opisyal ng Fujifilms dahil sa kasong estafa.

Sa Kautusan na inilabas ni Presiding Judge Maria Cheryl Laqui – Cequera na may petsang June 23, 2023, napatunayan ng korte na may sapat na ebidensiya para litisin ang mga indibidwal na nasasangkot kaso sa ilalim ng Criminal Case No R-PSG-22-03025-CR.

Lumabag sa Art 315 (2) (a) ng Revised Penal Code sina Ryo Nagaoka, Evan Reyes, Anil Jabob John na kilala rin bilang “ Anil John” , John Paul Camarillo, Dinesh Mehra, at Eric Koh at pina-aaresto na ng korte.

Binibigyan naman ang mga akusado ng karapatang makapagpiyansa, sa halagang P48,000 bawat isa, habang binibista ang kanilang kaso.

Nag-ugat ang kaso sa demanda ng Sunfu Solutions Inc. na inihain sa piskalya ng Pasig laban sa mga opisyal ng Fujifilms dahil sa alegasyong panlilinlang at pagsisinungaling na isinagawa nang mag-isyu ito ng First Tier Certificate sa Sunfu na nagbigay awtoridad dito na i-distribute ang medical equipment ng Fujifilms para sa bid ng Sunfu sa OFW Hospital and Diagnostic Center sa Pampanga.

Subalit nabunyag din na naglabas ang Fujifilms ng kaparehong sertipikasyon sa iba pang bidder.

Dahilan na nagsampa ng kaso ang Sunfu sa korte laban sa mga opisyal ng Fujifilms.

Hiniling din ng complainant sa korte na maglabas ng hold departure order laban sa mga akusado ng sa gayon hindi ma delay ang pagdinig sa kaso.