ILOILO CITY – Pinipili ng karamihan ng mga Overseas Filipino Workers sa Singapore na manatili na lamang sa bahay tuwing day off dahil sa pangamba na mahawaan ng coronavirus disease 2019.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Bhang Cabalar direkta sa Singapore, sinabi nito na may mga amo rin na nagbabawal sa mga Pinoy na lumabas lalo na kung may bata ito na inaalagaan.

Ayon pa kay Cabalar, kung kinakailangan na lumabas, pinipili ng mga Pilipino ang mga parke kung saan madalang ang tao.

Pahayag pa ni Cabalar, may abiso rin ang embahada ng Pilipinas sa Singapore kung saan hinihimok nito ang mga Pilipino na iwasan ang pampublikong lugar at panatilihin ang proper hygiene.

Nananatili namang sarado ang iilang simbahan sa lugar.

Sa ngayon, umabot na sa 110 ang kaso ng coronavirus disease 2019 sa Singapore.