Maaaring maubos ang mga Pilipinong nurse sa bansa kapag hindi matugunan ang problema sa exodus o patuloy na pag-alis ng mga nurse para magtrabaho sa ibang bansa para sa mas malaking kita roon.
Ito ang inihayag ni Health Secretary Ted Herbosa dahilan kayat isinusulong nito ang pagbibigay ng temporary license sa mga bumagsak sa board exam na nursing graduates at magtrabaho sa mga government hospitals.
Kayat iginiit ng kalihim na ngayon pa lamang ay dapat ng gumawa ng paraan upang dumami muli ang mga nurse sa ating bansa.
Bagamat aminado ang kalihim na pansamantalang solusyon lamang ito para matugunan ang problema sa exodus, posible naman aniyang magkaroon ng krisis sa mga susunod na taon kung hindi ito agad na matugunan.
Binigyang diin ni Herbosa na nasa 4,500 plantilla para sa nurses ang kasalukuyang bakante sa mahigit 70 ospital ng Department of Health (DOH) sa buong bansa. .
Sa datos ng DOH, mayroong 44,602 physicians at 178,629 nurses ang kasalukuyang nagtatrabaho sa bansa, malayong malayo naman ito mula sa records ng Professional Regulatory Commission kung saan nasa 95,000 ang mga lisensyadong doktor at 509,000 naman ang licensed nurses.