Mga nasa likod ng ‘Red October’ plot, maaaring makasuhan – AFP

Pinag-aaralan na ng AFP ang posibleng pagsasampa ng kaso laban sa mga nasa likod ng tinaguriang “Red October” plot o ang planong pagpapatalsik kay Pangulong Rodrigo Duterte sa puwesto.

Ayon kay AFP spokesman Col. Edgard Arevalo, tinutukoy na nila kung sinu-sino ang mga personalidad na kabilang sa nagpaplano nito.

Tinukoy ni Arevalo ang mga grupong nasa likod ng Oplan Aklasan ay tinutumbok ang mga isyu sa ekonomiya, tulad ng mga presyo ng mga bilihin produktong petrolyo at inflation rate para idiscredit ang gobyerno dahil sa kawalan ng kontrol nito.

Sa ngayon, may mga pagkilos na raw silang na-monitor, lalo na sa Metro Manila, Calabarzon, Cebu, Davao, Cagayan de Oro, Bacolod at Iloilo.

Sineseryoso rin daw ng mga otoridad ang mga natatanggap nilang impormasyon hinggil sa pina planong “Oplan Aklasan.”

Paliwanag ni Arevalo ginagawa nila ito upang protektahan ang gobyerno at ang duly constituted authorities.

Nilinaw naman ng opisyal na ang iminumungkahi nilang task force ay hindi naglalayon para magkaroon sila ng dagdag na budget para sa AFP.

Samantala, tiniyak naman ni MGen. Isidro Purisima, deputy chief of staff for operations, na “solid” ang AFP taliwas sa mga lumalabas na balita na watak-watak ang militar.

Sinabi ni Purisima na kung may grupong nagtatangkang mag recruit sa mga sundalo ay dapat tigilan na nila ito.

“Solid po yung AFP natin at kung meron man na mag-aattempt na mag-recruit sa ating miyembro ng AFP ay itigil niyo na po ‘yan at ‘di po ‘yan tama kasi ang ating AFP will continue to protect and serve the people,” mensahe ni Purisima.