Nakikipag-ugnayan na ang Department of Justice (DoJ) sa Department of Trade and Industry (DTI), Department of the Interior and Local Government (DILG) Bureau of Customs (BoC) at sa Department of Health (DoH) para sa posibilidad na pagkumpiska sa mga medical items na nasakote ng mga otoridad nitong nakalipas na mga araw.

Kabilang na raw dito ang 1,500 thermal scanners at milyong pisong halaga ng mga facemask na nasabat ng National Bureau of Investigation (NBI) sa mga tiwaling negosyante na nahaharap ngayon sa mga kasong kaugnay sa hoarding, over pricing at price manilpulation.

Nilinaw ng DoJ na ano mang mga nakumpiskang gamit ay pansamantalang ikinokostodiya sa mga otoridad bilang mga ebidensiya habang nakabinbin pa ang kaso sa korte.

Gayunman, dahil sa kakapusan o kakulangan ng mga ganitong uri ng medical items na kailangang-kailangan ngayon sa mga ospital dahil sa paglaban sa Coronavirus disase 2019 (COVID-19) ay pinag-aaralan na ng DoJ na magamit ang mga nakumpiskang kagamitan pero kailangang hindi maisakripisyo ang criminal case laban sa mga akusadong tiwaling negosyante.

Samantala, batay sa Customs Modernization and Tariff Act and the Price Act ay pinapayagan ang BoC na kumpiskahin ang ano mang mga iligal na kargamento habang nagpapatuloy pa ang pagdinig sa hukuman.

Layunin ng pakikipag-ugnayan ng DoJ sa mga nasabing mga ahensiya ng gobyerno na siguruhing ang seizure proceeding o pagkumpiska ay nakakasunod at naaayon sa batas.