Kinontra ni Cagayan De Oro Rep. Rufus Rodriguez ang interpretasyon ni Justice Sec. Menardo Guevarra hinggil sa warrantless arrest laban sa mga “heinous” crime convicts na nakalaya sa bisa ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) Law.
Sinabi ni Rodriguez, co-author ng GCTA Law, hindi maaaring basta arestuhin ang halos 2,000 convicts sa karumal-dumal na krimen sapagkat mahaba ang prosesong kailangan dito.
May ruling na aniya noon ang Korte Suprema hinggil sa maling pag-compute ng GCTA kung saan nakasaad na dapat bumalik sa korte ang prosekusyon para humingi muli ng warrant of arrest.
Ayon sa kongresista, bagama’t totoong maaaring arestuhin muli ang mga nakalayang heinous crime convicts ay kailangan muna ng warrant of arrest para madakip ulit ang mga ito.
Naniniwala si Rodriguez na hindi mahihirapan ang DOJ sa prosesong ito dahil mayroon namang mga piskal sa lahat ng bahagi ng bansa.
Kahapon sa ambush interview sa Kamara, iginiit ni Guevarra na matapos ang takdang palugit ay idedeklarang “fugitive from justice” ang mga heinous crime convicts dahil sa hindi pagsuko sa mga otoridad.
Maituturing aniyang krimen ang pagiging pugante dahil tinatakasan ng mga ito ang kanilang sentensya.