Nagpahiwatig ang ngayo’y biyuda ni April Boy Regino na bukas sa publiko ang burol ng Original Pilipino Music (OPM) legend.

Kalakip kasi ng mga larawang ipino-post ni Madelyn Regino sa lamay sa isang restobar malapit sa kanilang bahay sa Calumpang, Marikina City, nakasaad na magsuot daw ng face mask ang mga nais makasulyap kay April Boy sa huling pagkakataon.

Kabilang sa mga dumagdag na nagpadala ng puting bulaklak ay sina Sen. “Bong” Go at Pangulong Rodrigo Duterte.

Napabalik-tanaw naman si Madelyn sa buwan-buwan na pagbibigay daw ni Tatay Digong para sa maintenance ng mga gamot ni Idol, kahit noong alkalde pa lamang.

Una nang naiulat na kabilang sa suot ni April Boy o Dennis Regino Magloyuan Magdaraog sa tunay na buhay, habang nasa casket ay ang baseball cap na siyang trademark niya tuwing magpi-perform noon.

Bandang alas-3:00 ng madaling araw kahapon, Linggo, nang pumanaw si April Boy sa ospital sa Antipolo City, dahil sa chronic kidney disease stage 5 at acute respiratory disease.

Una nang na-diagnose si April Boy na mayroong prostate cancer noong 2009, at naging cancer free naman noong 2013.

Gayunman, dinapuan siya ng congestive heart failure kung saan nahirapan daw siyang huminga hanggang sa naging “Bedridden” matapos ma-confine sa ospital ng dalawang araw.

Sunod na naging sakit nito ay ang diabetes, dahilan para mabulag ang kanyang kaliwang mata ngunit unti-unti ay nagamot din noong sumailalim sa medication.

Ilan sa mga awitin ni April Boy, na madalas ay bida rin sa mga videoke ang “‘Di ko kayang tanggapin,” “Umiiyak ang Puso,” “Paano ang puso ko,” at marami pang iba.

Naulila ng tinaguriang Jukebox King noong dekada nobenta ay ang kanyang misis, dalawang anak, at isang apo.

Ang April Boys ay grupo ng mang-aawit sa Pilipinas na kasalukuyang binubuo ng magkapatid na Vingo at Jimmy Regino.