Muling nagpaalala ang Inter Agency Task Force (IATF) sa mga pasaway na motoristang nagpapalusot sa bagong inilabas na guideline kaugnay sa pagsakay ng motorsiklo o ang pag-backride.
Ayon kay Police Lt. General Guillermo Eleazar, ang commander ng Joint Task Force Covid shield, marami raw sa kanilang nasita kahapon ay hindi naman pasok sa requirement ng IATF kayat hinuli nila ang mga ito at tiniketan.
Maalalang sa inilabas na guidelines, pinayagan ang pag-backride pero para sa mga mag-asawa at mag-live in partner lamang.
Kaya naman nagbabala na si Eleazar sa mga motorista na huwag na nilang tangkaing magpalusot kung hindi naman nila asawa o live-in partner ang kanilang backride.
Samantala, sinabi naman ni Eleazar na pinayagan pa rin nilang bumiyahe ang mga mag-asawa at live-in partner na bumiyahe kahit wala pang barrier ang kanilang motorsiklo dahil na rin sa konsiderasyon.
Aminado naman itong sa ngayon ay inoobserbahan pa nila ang mga motorista sa bagong panuntuan pero hiniling lang nitong magsuot pa rin ng helmet at facemask ang mga magkaangkas sa motorsiklo para sa kanilang kaligtasan laban sa Coronavirus disease 2019 (COVID-19).