Extended ang lahat ng license to own and possess Firearms (LTOPF), firearm registration, license to operate firearms ng private security agencies, at license to engage in Security Prodession (LESP) na mag-eexpire sa loob ng quarantine period.

Ito ay base sa rekomendasyon ni Civil Security Group Director PMGen. Roberto Fajardo na inaprubahan ni PNP Chief PGen. Archie Francisco Gamboa.

Ayon kay Fajardo, maaring i-renew ang mga nag-expire na lisensya pagkatapos ng quarantine period sa Abril 15, na walang multa.

Sinabi ni Fajardo ang ipinatupad na “protocol” sa mga mapapasong lisensya ay bilang pagsuporta sa deklarasyon ng Pangulo ng enhanced community quarantine.

Tinukoy ni Fajardo ang mahalagang papel ng mga security guard bilang force multipliers sa pagbabantay ng mga establisamyento.

Kaya mahalaga aniya na hindi maabala ang operasyon ng mga security agency at manatiling balido ang lahat ng kanilang mga dokumento.

Kabilang ang mga security guard sa exempted sa quarantine, at kailangan lamang nilang ipakita ang kanilang mga ID para pahintulutang makapunta sa kanilang trabaho.