Mayor isko moreno
Isko Moreno proclaimed as the new mayor of Manila City

Ngayon pa lamang ay nagbanta na si incoming Manila Mayor Isko Moreno sa mga kriminal na magsilayas na sa lungsod.

Ayon kay Moreno, alam daw niya ang lahat ng mga sulok at iskinita ang Maynila kaya’t wala na silang pagtataguan pa.

Sinabi pa ng bagong alkalde, mas makakabuti raw sa mga kriminal sa Maynila na tumigil na lamang sa kanilang mga gawain o magsialisan na.

Deniklara pa ni Isko na noong naging vice mayor pa lamang siya sa ilalim ni Mayor Erap Estrada, 82, ay wala syang sapat na otoridad pero ngayon daw sa pag-upo niya sa puwesto ibabalik niya ang “law and order” sa capital city ng Pilipinas.

Kung maaalala si Moreno o Francisco Domagoso, 44, sa totoong buhay ay lumaki sa kahirapan sa Tondo, Maynila at naging basurero.

Una na ring nangako si Isko na lilinisin niya ang Maynila sa dumi at pagkakaroon ng bansag na “dugyot.”

Nang maiproklama si Domagoso ay nakatipon siya ng 340,018 votes, habang si Estrada ay meron lamang 199,773.

Ang dating mayor na si Alfredo Lim ay pumangatlo sa 131,539 votes.

Bago sumabak sa mayoralty race si Moreno ay naging undersecretary ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) mula Mayo hanggang October 2018.

Pero noong una ay naging director din siya at chairman at CEO ng North Luzon Railways Corp. (Northrail) matapos na matalo sa pagka-senador noong 2016.

Pumuwesto siya sa ika-15 para sa mga nag-agawan sa Top 12 seats.

Kung maaalala rin si Isko ay malapit kay Estrada dahil vice mayor ito mula 2013 hanggang taong 2016.

Ukol naman sa pagkatalo ng mga Estrada sa iba pang mga posisyon, inamin ni Isko na nalulungkot siya dahil alam niya kung gaano kasakit ito.

Sana raw ay hindi siya makasama sa dinadala ni Erap.

Pero matalinghaga nitong sinabi na “sana alam daw ng isang tao kung kelan siya lulubog at ‘wag na itong antaying mangyari pa.”

Sa kanyang unang press conference idineklara ng bagong alkalde na ang kanyang administrasyon ay magiging “blooming energetic government.”