Binigyang-diin ng mga top security officials sa bansa na dapat basahin at unawain muna ng buo ang Anti-Terror Bill bago maglabas ng mga opinyon at kritisismo.

Sinabi ni National Security Adviser (NSA) Hermogenes Esperon Jr., taliwas sa “battle cry” ng mga kritiko lalo ng mga makakaliwang grupo, protektado ng batas ang karapatang pantao, civil at political rights, maging karapatan sa pamamahayag ng mga mamamayan.

Ayon kay Sec. Esperon, malinaw din sa panukalang batas na ang Anti-Terrorism Council (ATC) ay hindi basta-basta mag-uutos ng pag-aresto sa pinaghihinalaang terorista, bagkus nakasalalay ang aksyon nito sa batas at proscription ng korte na siyang nagdedeklara kung ang isang tao o grupo ay terorista.

Sa ngayon daw, tanging Abu Sayyaf Group (ASG) ang proscribed.

Sa panig naman ni DILG Sec. Eduardo Año, dapat bigyan muna ng pagkakataon ang panukalang batas para sugpuin ang terorismo sa bansa.

Inihayag ni Sec. Año na mahalaga ang probisyon para sa warrantless arrest at maikulong ng 14 na araw ang pinaghihinalaang terorista para maihiwalay ang isang component ng isang terrorist network para hindi matuloy ang terrorism act.

Kung magkaroon naman daw ng pag-abuso, may parusa naman sa sangkot na law enforcer gaya ng pagkakakulong ng 10 taon kung ang pag-aresto ay hindi naaayon sa rules of court, kapag ang ginawang wiretapping ay walang otorisasyon ng Court of Appeals (CA) at kung nagkaroon ng torture o anumang paglabag sa human rights.

Kaya napakaganda raw ang mga probisyon para sabihing balanse ang batas at protektado rin ang karapatan ng akusado.