Inihahanda na ng transition team ni presumptive President Joe Biden ang mga policy proposals ukol sa iba’t ibang paksa tulad ng ekonomiya, health care, climate change at domestic issues.
Subalit nakasalalay pa rin umano ito sa gaganapin na dalawang Senate runoffs sa estado ng Georgia sa Enero 2021.
Kung sakali kasi na parehong mapapanalunan ito ng Democrats ay susubukan umano ng presumptive president na isulong ang malawakang stimulus plan upang muling itayo ang nadapang ekonomiya ng Estados Unidos.
Ayon sa dalawang campaign adviser ni Biden, halos kapareho lang daw ito ng $2.2 trillion na ipinasa ng House Democrats noong buwan ng Hunyo.
Sakop din ng naturang stimulus plan ni Biden ang para sa state at local governments na nawalan ng tax revenue dahil sa pandemic recession. Palalawigin din umano ito ang unemployment benefits para sa mga indibidwal na nawalan ng trabaho sa kalagitnaan ng health crisis.
Gayundin ang tulong pinansyal para sa mga maliliit na negosyo na napilitang magsara dahil naman sa ipinatupad na lockdown.
Hanggang ngayon ay patuloy pa rin ang patutsada ng kampo ni US President Donald Trump na may malawakang iregularidad na nangyari sa katatapos lamang na US presidential elections.
Samantala, pinangalanan naman ni Biden si Ron Klain bilang bagong chief of staff ng White House. Si Klain ay nagsilbi ring chief of staff ni Biden noong siya pa ang bise-presidente ng Amerika.
Ito rin ang itinalaga bilang Ebola czar ng White House sa ilalim ng administrasyon ni dating US President Barack Obama.