KORONADAL CITY – Tiniyak ng Integrated Provincial Health Office-South Cotabato na kanilang hinahanap ang mga mamamayan sa lalawigan na posibleng kabilang sa mga dumalo sa isang religious gathering sa Malaysia.

Ayon kay South Cotabato Provincial Health Officer Dr. Rogelio Aturdido Jr., makikipag-ugnayan sila sa ilang imam o Muslim leaders sa lalawigan.

Layunin nito na masigurong hindi na mas kakalalat pa ang pinangangambahang Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) sa buong South Cotabato.

Ito ay matapos natuklasan sa Cotabato City ang pagpositibo umano sa COVID-19 ng isang taga-Lanao del Sur na nakiisa sa nasabing religious gathering.

Inutusan din ni Aturdido ang mga Barangay Health Emergency Teams na paigtingin pa ang monitoring sa mga mamamayan na kararating pa lamang sa kanilang lugar.

Samantala, nagbabala si Aturdido na maaaring kakasuhan ang sinumang lalabag sa 14-day quarantine period ng pamahalaan laban sa COVID-19.