-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Hindi umano titigil ang mga healthcare workers sa mga pribadong ospital sa kanilang kilos protesta hangga’t hindi bumababa sa puwesto si Health Secretary Francisco Duque.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Ginoong Jao Clumia, presidente ng Saint Luke’s Medical Center Employees Association, sinabi niya na ang kanilang mga kilos protesta ay hindi lamang para sa mga hindi naibigay na benepisyo tulad ng kanilang Meals Accomodation Transportation Allowance (MATA) kundi ang panawagan sa pagbibitiw ni Kalihim Duque dahil wala na silang tiwala sa kanya.

Sa pagdinig aniya ng Senado ay hiniling ni Kalihim Duque na bigyan pa siya ng dalawang buwan para pondohan ang pagbibigay ng kanilang Meals Accomodation Transportation Allowance.

Iginiit ni Ginoong Clumia na dalawang taon na mula nang magsimula ang COVID-19 pandemic ngunit hindi pa naibibigay ang kanilang mga benepisyo

Sinabi pa niya na marami nang healthcare workers ang umalis sa kanilang trabaho dahil sa pagod at sa takot na maiuwi ang virus sa kanilang pamilya.

-- Advertisement --

Babagsak aniya ang healthcare system ng bansa kung patuloy ang pag-alis ng mga healtcare workers dahil sa kapabayaan ng DOH sa pagbibigay ng kanilang special allowance.

Bilang union leader ay nakikiusap si Ginoong Clumia na ibigay na ng pamahalaan ang kanilang benepisyo para mabigyan din sila ng ayuda na galing sa pamahalaan dahil mas malaki pa rin ang sahod ng mga nasa public sector sapagkat nakabase lamang ang kanilang sahod sa Collective Bargaining Agreement (CBA).

Nagpapasalamat sila sa mga Senador na nagsagawa ng imbesigasyon dahil nalaman kung saan napunta ang pondo ng DOH na 53.48 billion.