ILOILO CITY – Tiniyak ng local government unit (LGU) ng Ajuy, Iloilo, na minomonitor ang foreign vessel na nananatili sa karagatan na sakop ng nasabing bayan.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Ajuy Mayor Jett Rojas, sinabi nito na 18 Chinese crew ang sakay ng foreign vessel.

Ayon sa alkalde, tatlong buwan nang nananatili ang barko sa karagatan na sakop ng Ajuy,.

Nilinaw naman ni Rojas na hindi kailanman bumaba sa barko ang mga crew dahil ang Bureau of Quarantine ang pumupunta sa kanila upang suriin ang kanilang kalusugan.

Ani Rojas, hindi nakitaan ng senyales o sintomas ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) ang naturang mga Chinese.

Pahayag nito, kung siya lang ang masusunod ay ayaw niya sanang may foreign vessel na dumaong sa Ajuy, Iloilo.

Napag-alaman na ang foreign vessel ay nagmula sa mainland China.