CAGAYAN DE ORO CITY – Nakubkob ang umabot pa sa siyam na high powered firearms ang nahukay ng 403rd Brigade ng 4ID Philippine Army sa bahagi ng Mt. Balatucan matapos isinumbong ng isang rebel returnee ang lugar kung saan nila itinago ang kanilang matataas na kalibre ng armas.

Ayon kay Captain Ryan Layug, spokesperson ng 403rd Brigade, natuntun ng grupo ni Ltc. Sergio P Macarandan, Jr, Battalion Commander ng 1st Special Forces Battalion, ang armed cache sa liblib na bahagi ng Sitio Kubayan, Brgy Kibenton, Impasug-ong, Bukidnon.

Aniya, sina alyas Jr at alyas Gelai, mula sa guerilla front 68 ang buluntaryong sumuko sa alkalde ng Malaybalay City at ibinahagi ang kanilang kaalaman sa mga lugar kung saan nakatago ang armas ng kanilang tropa.

Kaagad nakipagtulungan si Mayor Florencio Flores, Jr kay 403rd Brigade Commander Brigadier General Edgardo De Leon at nailunsad ang search and combat operation sa Mt. Balatucan.

Kabilang sa nahukay ang limang 5.56mm M16A1 rifles; isang 5.56mm R4A3 rifle; isang M14 rifle; isang Carbine rifle at AK47 rifle; isang Telescopyo; tatlong pong magazine assemblies; mga live ammunition ng ibat ibang kalibre ng armas at dalawang commercial radio.