LEGAZPI CITY – Umabot na sa mahigit 70 maliliit na bangka ang nailipat ng mga team ng Task Force Taal malayo sa pampang ng Lawa ng Taal sa Batangas.

Ipinag-utos ng Philippine Coast Guard (PCG) ang hakbang upang maiwasan ang patuloy na pagtawid at pangingisda ng ilang residente sa kabila ng total lockdown na ipinapatupad.

Sa pahayag ni CGD Southern Tagalog Operations chief LCDR Anthony Cuevas sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, inaasahang mula sa 200 hanggang 500 bangka ang malapit sa Taal Lake na kailangan munang ilipat ng lugar.

Hangga’t nananatili aniya ang mga ito sa pampang, magiging madali ang access ng mga nagtatangkang pumuslit patungo sa volcano island.

Kapag umaga lamang aniya isinasagawa ang pag-aangat ng mga bangka dahil iniingatan rin ang buhay ng mga responders.

-- Advertisement --

Nabatid na inunang mailagay sa ibang lugar ang mga maliliit na bangka mula sa mga bayan ng Balete, San Nicolas, Agoncillo at Talisay, Batangas.