Isasailalim ngayon ng Department of Agriculture sa mabusising pagsusuri ang mga bagong bakunang laban sa bird flu at African swine fever.
Ito ang inihayag ni Agriculture Undersecretary Deogracias Victor Savellano matapos na makatanggap ang ahensya ng bagong aplikasyon ng mga foreign companies na magsupply ng mga bagong bakuna laban sa naturang mga sakit sa hayop.
Ayon sa opisyal, mayroong apat na mga foreign companies ang nag-alok na magsuplay ng bakuna sa Pilipinas para sa ASF, habang pito naman ang nagpahayag ng kagustuhang magsuplay ng bakuna laban sa avian influenza.
Kaugnay nito ay hiniling naman na ngayon ng DA sa Food and Drug Administration na mag-isyu ng special import permit para sa tatlo sa mga aplikante.
Habang tinatapos na ng naturang ahensya ang memorandum of agreement sa Bureau of Animal Industry (BAI) at sa mga stakeholder para sa pagsasagawa ng vaccine trial.
Saad ng opisyal, pinamamadali na ngayon ng DA ang pagpoproseso kasabay ng pagtiyak na magiging ligtas ang naturang mga bakuna.
Samantala, kasunod nito ay isusumite naman ng kagawaran kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga regulation documents para sa kaniyang lagda at kaukulang approval.