-- Advertisements --
image 225

Dumipensa ang Metro Pacific Tollways Corporation (MPTC) na ang umento sa toll fees para sa North Luzon Expressway (NLEX) na inaprubahan ng Toll Regulatory Board (TRB) ay long overdue o matagal na sa gitna na rin ng mga panawagan na suspendihin ang pagpapatupad nito.

Paliwanag ni MPTC President at CEO Rogelio Singson na ang umento sa toll fee ay base sa periodic toll rate adjustment petitions ng NLEX para noong 2012, 2014, 2018 at 2020.

Pinapayagan din ang expressway na maghain ng petisyon para magpatupad ng umento sa toll rates tuwing dalawang taon base na rin sa kontrata sa pagitan ng kompaniya at gobyerno sa ilalim ng Public-Private Partnership (PPP) agreement.

Ito aniya ay contractual obligations ng gobyerno at hindi nila inimbento lamang. Iginawad din aniya ito sa kanila nang lagdaan ang concession agreement.

Ipinunto pa nito na nakakatipid ang mga motorista kapag sa expressway na may toll sila dumadaan kumpara sa toll-free roads na tiyak aniya na gagastos pa ng mahigit 2 litro ng fuel kapag sa mga local roads dadaan.

Nanindigan din ang Toll Regulatory Board sa pag-apruba nito at pagpapatuloy ng toll hike sa NLEX sa gitna ng kabila’t kanang batikos at panawagan na ihinto ito.

Paliwanag ng ahensiya na ang toll hike ay provisionally-approved adjustments kung saan kahit na may maghain aniya ng petisyon para pag-aralan ito ay hindi sapat para pigilan ang pagpapatupad ng dagdag na singil sa toll fee.

Una rito, sa ilalim ng bagong toll matrix, ang mga motoristang dumadaan sa may open system ay kailangang magbayad ng dagdag na P7 para sa Class 1 vehicles o regular na mga sasakyan, P17 para sa Class 2 vehicles o buses at maliliit na truck at P19 naman para sa Class 3 vehicles o malalaking trucks.

Ang mga dumadaan naman sa NLEX sa pagitan ng Metro Manila at Mabalacat city ay magbabayad ng dagdag na P33 para sa Class1, P81 para sa Class 2 vehicles at P98 para sa Class 3 vehicles.