Naipilit ng Meralco ang do-or-die game para sa huling puwesto sa finals ng PBA Governors Cup makaraang ilista ang 95-83 panalo kontra sa TNT Katropa sa Ynares Center nitong Sabado, Disyembre 21.

Uminit nang husto ang Bolts sa dulo ng second quarter na na­panatili nila hanggang sa final canto para ilampaso ang Texters sa Game Four ng bakbakan.

Pangunahing naging sandalan ng Meralco si import Allen Durham na tumipon ng 36 points, 13 rebounds at limang assists.

Umasiste rin si Baser Amer na kumamada ng 12 points, pitong assists, at apat na steals, maging si Chris Newsome na umiskor ng 10 markers at siyam na boards.

Magagawa na sana ng KaTropa na tapusin ang serye makaraang lumamang ng hanggang 13 puntos, 17-4, at tapusin ang unang yugto sa 24-18.

Ngunit sa tulong ng tandem nina Durham at Allein Maliksi, nahigitan ng Meralco ang TNT upang itala ang 51-45 bentahe sa halftime.

Matapos nito, nagpakawala sina Durham at Amer ng 19 marka sa fourth quarter para hindi na papormahin pa ang KaTropa, na nagrehistro lamang ng 15 puntos sa huling quarter.

Inakay ni KJ McDaniels ang TNT na bumuslo ng 26 points, siyam na rebounds, at dalawang blocks.

Idaraos ang knockout Game 5 sa araw ng Lunes, Disyembre 23, sa kaparehong venue.

Narito ang mga iskor:

Meralco 95 – Durham 36, Amer 12, Newsome 10, Almazan 8, Maliksi 8, Quinto 7, Faundo 4, Hodge 4, Pinto 4, Caram 2, Jose 0, Jamito 0.

TNT 83 – McDaniels 26, Rosario 15, Castro 14, Parks 11, Pogoy 11, Reyes 3, De Leon 2, Semerad 1, Digregorio 0, Williams 0, Vosotros 0.

Quarters: 18-24, 51-45, 73-68, 95-83.