Posible umanong kumita ng $150,000 o mahigit P7-milyon sa subastahan ang menorah candelabra na dating pag-aari ng screen icon na si Marilyn Monroe.

Si Monroe, na sex symbol noong dekada 50, ay nagpa-convert sa Judaism nang pakasalan nito ang playwright na si Arthur Miller.

Ayon sa Jewish Museum sa New York, pinag-aralan ni Monroe ang Judaic texts sa tulong ng family rabbi ng mga Miller na si Robert E. Goldburg.

Sa isa namang pahayag, sinabi ng auctioneers na Kestenbaum & Co. na ang brass-plated menorah ay regalo kay Monroe ng mga magulang ni Miller na sina Augusta at Isidore, at nasa pag-aari pa rin ni Monroe nang pumanaw ito noong 1962.

Naibenta naman ito sa isang private collector 20 taon na ang nakalilipas sa isang auction.

“Marilyn Monroe’s spellbinding magnetism knows no bounds. We are thrilled to be able to offer Marilyn’s personal Menorah at auction next week,” wika ni Daniel Kestenbaum, director ng auction house.

Nakatakdang ibenta ang menorah sa Nobyembre 7 sa New York, na may guide price na $100,000 hanggang $150,000. (CNN)