Reading Time: 1 minute

Hindi na kailangan pa ng panibagong memorandum circular para sa mga barangay na nag-uutos sa kanila para makiisa sa pamahalaan kaugnay pagpapatigil sa operasyon ng Kabus Padatoon (KAPA).

Kasama na kasi ang mga barangay sa inilabas na memorandum circular ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Eduardo Año sa mga local chief executives noon kung saan ipinag-utos nito ang pag-revok sa mga business permits ng KAPA Community Ministry Inc.

Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo kay DILG spokesperson Usec. Jonathan Malaya, kaniyang sinabi na sakop na sa inilabas nilang memo para sa mga mayor ang mga barangay dahil sila ay under sa supervision ng mga alkalde kaya bahagi sila sa ilulunsad na mga operasyon laban sa KAPA.

Makakatuwang ng mga mayor ang mga barangay sa pagmonitor sa mga aktibidad ng KAPA.

“We already issued Memo to all mayors. That should cover the Barangays since they are under the supervision of their respective mayors,” mensahe ni Usec. Malaya na ipinadala sa Bombo Radyo.