Nakatakdang ilunsad ng Department of Health (DOH) ang isang medical service fair para sa mga jeepney, tricycle at para rin sa transport network vehicle service (TNVS) drivers sa darating na Abril 16 ngayomg taon.
Ayon kay Health Secretary Teodoro Herbosa, layon nito na mabigyan din ng mga ganitong health service ang mga drivers na kabilang sa mga itinuturing na “most vulnerable” workers ng lipunan.
Gaganapin naman ang naturang medical health fair sa mismong tanggapan ng DOH Sa Maynila kung saan nakatakdang mamahagi ng mga libreng health service, mga gamot at iba pang mga bagay na kailangan ng mga drivers.
Ayon pa sa kalihim, layon ng programa na maibsan kahit paano ang mga dinadala ng mga trasport workers na siyang patuloy na hinaharap ang mga krisis at isyung pang-ekonomiya at pang-kalusugan.
Samantala, binigyang diin ni Herbosa na para manatiling tuloy-tuloy ang pagpasada ng mga tsuper at ng transport sector, dapat na matulungan ang mga ito sa lahat ng mga aspetong kanilang kakailangin.
















