BAGUIO CITY – Patay ang isang meat vendor na drug surrenderee matapos itong pagbabarilin ng riding-in-tandem sa Bangued, Abra nitong Huwebes ng umaga.

Nakilala ang biktima na si Michael Torres, 42-anyos at residente ng Bangbangar, Bangued, Abra.

Batay sa report, nanggaling ang biktima kasama ang kanyang anak sa isang tindahan at sinundan ng mga suspek ang mga ito.

Habang nagmamaneho ng motorsiklo ang biktima, biglang binangga ng mga suspek na naka motorsiklo rin ang harap na bahagi ng motorsiklo ng biktima.

Dalawang beses na binaril ng mga suspek ang biktima na nagresulta sa agarang kamatayan nito.

Nagtamo rin ng sugat sa paa ang anak ng biktima.

Iniimbestigahan na ngayon ng mga pulis ang insidente at inaalam ang pagkakilanlan ng mga suspek.