TACLOBAN CITY – Patay ang isang empleyado ng gobyerno matapos na barilin sa labas ng bahay nito sa Albuera, Leyte.

Kinilala ang biktima na si Teofilo Granda, chief ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng Albuera nasabing bayan.

Sugatan naman ang menor de edad nitong anak.

Ayon kay P/Capt. John Rey Layog, hepe ng Albuera Police Station, paalis na sana papuntang Ormoc ang biktima upang ihatid ang anak nito nang bigla na lang paulanan ng bala ng riding-in-tandem habang palabas ng gate ang kanilang sasakyan.

Nagtamo ng maraming tama ng bala ang biktima at ang anak nito na natamaan sa dibdib na sa ngayon ay nananatili sa ospital.

Isa sa tinitingnan anggulo ng kapulisan sa insidente ay ang posibilidad na may kinalaman ito sa trabaho ng biktima.

Sa ngayon ay patuloy pa ang imbestigasyon ng mga otoridad sa krimen.