kj mcdaniels
KJ McDaniels/Photo courtesy of PBA

Binura ng TNT KaTropa ang kanilang 19-point deficit upang maisahan ang Meralco Bolts, 116-113, sa 2019 PBA Governors Cup eliminations nitong Sabado ng gabi sa Araneta Coliseum.

Inihulog ni TNT import KJ McDaniels ang nakakalulang 51 points sa kanyang 17-of-25 field goal upang mapanatiling malinis ang anim na panalo sa kartada.

Nagrehistro rin si McDaniels ng limang tres sa 10 tira, maliban pa sa 10 rebounds, dalawang assists at apat na butata.

May tsansa pa sana ang Meralco na bitbitin sa overtime ang laban ngunit sablay ang panablang tres ni Allen Durham kasabay ang pagtunog ng buzzer.

Hindi nagpaawat si Roger Pogoy na bumuslo ng 23 points, habang mayroong 21 marka si Jayson Castro.

Kagyat na itinala ng Bolts ang 12-0 harurot sa pag-uumpisa ng laro tampok ang limang sunod na puntos mula sa isang tres at jumper ni Baser Amer para ibuhos ng Meralco ang 32 puntos sa first quarter at limitahan ang Katropa sa 16 points lamang sa first quarter.

Inilista ng Bolts ang pinakamalaki nitong abanse na 19 puntos sa natitirang 14 segundo ng unang period, 32-13, buhat sa isang step back jump shot ni Chris Newsome.

Sa kabila nito, bumangon ang KaTropa matapos nilang pakawalan ang 33 puntos sa ikalawang yugto, at malimitahan sa 20 marka ang Bolts upang idikit muli sa 52-39 ang sagupaan sa pagtatapos ng unang hati.

Sumandal naman ang Bolts kay Durham na nagpakawala ng 43 points, 12 rebounds at siyam na assists, habang nagdagdag si Newsome ng 14 puntos.