june mar fajardo
June Mar Fajardo/ Photo courtesy of PBA Images

Nakakuha na ng ticket sa eight-team quarterfinals ng PBA Commissioners Cup ang San Miguel makaraang itala ang 89-87 paglusot sa Rain or Shine nitong Sabado ng gabi sa lungsod ng Cagayan de Oro.

Humugot ng 24 points, 17 rebounds at apat na assists si import Chris McCullough upang tulungan ang Beermen na maging ikapitong team na nakausad sa playoffs.

Hindi rin nagpaawat si June Mar Fajardo na bumuslo ng 23 points at 15 rebounds, samantalang ininda ni Terrence Romeo ang na-injure nitong daliri upang magtapos na may 13 markers.

Inakay na nina McCullough at Fajardo ang Beermen at isinalpak ang huling 11 puntos ng koponan, na inilista ang ikatlong dikit na panalo at 5-5 baraha.

Sumandal naman kay rookie Javee Mocon ang Rain or Shine na tumipa ng 20 points mula sa 4-of-6 mula sa downtown.

Nabalewala rin ang 18 points at 13 rebounds ni import Carl Montgomery, habang may 11 markers si Rey Nambatac para sa Elasto Painters.

Narito ang mga iskor:

San Miguel (89) – McCullough 24, Fajardo 23, Romeo 13, Ross 7, Santos 7, Cabagnot 6, Pessumal 3, Lassiter 3, Nabong 3, Ganuelas-Rosser 0.

Rain or Shine (87) — Mocon 20, Montgomery 18, Nambatac 11, Borboran 9, Daquioag 7, Ponferada 5, Belga 5, Norwood 4, Onwubere 3, Torres 3, Rosales 2.

Quarterscores: 14-18; 47-44; 63-67; 89-87.