-- Advertisements --

Tinugunan na ngayong araw ng kampo ni Pasig City Mayor Vico Sotto ang direktiba ng National Bureau of Investigation (NBI) na sagutin ang posibleng paglabag ng alkalde sa Bayanihan to Heal as One Act dahil sa pagbiyahe ng mga tricycle sa lungsod.

Ngayong araw naghain ang kampo ng alkalde ng reply o tugon sa “letter to explain” ng NBI.

Hindi dumating si Mayor Vico sa NBI ngunit dumating naman ang kanyang mga kinatawan.

Ayon kay Pasig City Administrator Atty. Jeronimo Manzanero, natanggap nila ang sulat ng NBI noong April 1, 2020.

Noong Abril 2 ay sumulat sila sa NBI na humihiling na linawin kung ano ba ang mga bagay na gustong imbestigahan sa lungsod ng Pasig.

Ani Atty. Manzanero, hindi nila masasagot ng tama ang sulat ng NBI kung hindi nila alam kung ano ang mga alegasyon na tinutukoy ng NBI.

At dahil walang nakuhang reply si Mayor Vico, sinabi ni Manzanero na nagpasya na silang maghain ng pormal na sagot ngayong araw na siya ring araw na itinakda ng NBI para humarap ang alkalde.

Giit naman ni Manzanero, fully compliant ang lokal na pamahalaan ng Pasig sa lahat ng direktiba ng nasyonal na pamahalaan habang umiiral ang enhanced community quarantine kontra Coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Nilinaw din ni Manzanero na nauunawaan ni Mayor Vico ang trabaho ng NBI at willing o handa sila na tumugon sa lahat ng kailangan upang magkaroon ng linaw ang usapin.