CEBU CITY – Kasali umano sa drug matrix si Clarin, Misamis Occidental Mayor David Navarro na siyang nangbugbog at nagpa-masturbate pa sa massage therapists ng isang spa sa may Fuente Osmeña, Barangay Capitol Site, Lungsod ng Cebu.

Ito’y matapos mahuli ang alkalde sa Mactan Cebu International Airport habang paalis na sana patungong Luzon, matapos inireklamo ng mga biktima.

Ayon sa pulisya, ang alkalde ay nasa ilalim umano ng retired general na si Marcelo Garbo na pinangalanan ni Pangulong Rodrigo Duterte na isang narco-general.

Una rito ayon kay Police Major Edward Sanchez, nagreklamo ang biktimang si John Dueñas, at Mary Jane Tagayong, kapwa 23-anyos na masahista ng spa.

Sinasabing lasing ang alkalde nang pumunta sa spa nitong Oktubre 13 at galit na naghahanap ng babaeng masahista.

Nang pakakalmahin sana umano ito ni Dueñas, bugbog pa ang kanyang inabot na nakunan sa closed circuit television camera. At habang minamasahe naman ito ni Mary Jane, gusto ng alkalde na i-masturbate siya kaya napatakbo.

Tumanggi munang magbigay ng pahayag si Mayor Navarro ngunit nasambit nito na nabastos daw siya ng masahistang si Dueñas kaya niya ito nabugbog ngunit tumanggi na itong magsalita ng tanungin kung paano siya binastos.

Samantala sa loob ng police station, biglang sumikip ang dibdib ng alkalde kaya nag-request na magpa-hospital arrest at abogado nalang umano niya ang sasagot sa mga katanungan.

Sa kabila nito, nahaharap sa kasong physical injury at act of lasciviousness ang alkalde.

Inireklamo rin ito ng mga biktima sa Ombudsman.