Reading Time: 1 minute

CENTRAL MINDANAO – Nasabat nang pinagsamang pwersa ng militar at pulisya ang mga matataas na uri ng armas sa probinsya ng Cotabato.

Sa ulat ng 602nd Brigade, nagpapatrolya ang pulisya at 7th Infantry Battalion Philippine Army sa Sitio Lumayong, Brgy Kayaga, Kabacan, Cotabato nang marinig nila ang sunod-sunod na putok ng armas.

Agad pinuntahan ng mga otoridad ang lugar kung saan may narinig sila ng putok ng baril at nakita nito na tumakbo sa mga kabahayan ang mga armadong kalalakihan.

Nagsagawa ng zoning o ginalugad ng mga sundalo at pulis ang mga kabahayan at narekober nito ang mga armas na walang kaukulang papeles na kinabibilangan ng isang M16 armalite rifle, isang M14, M1 garand rifle, isang carbine rifle at mga bala.

Sa ngayon ay nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Kabacan PNP at 7th IB sa posibleng nagmamay-ari ng mga armas.