Tukoy na umano ng Philippine National Police (PNP) kung sino ang nag-utos para patayin si General Tinio, Nueva Ecija Mayor Ferdinand Bote.

Ayon kay PNP Chief Oscar Albayalde, ito’y matapos umamin at “ikinanta” ng dalawang naarestong suspek kung sino ang nag-utos sa kanila na patayin ang alkalde.

Tinutugis na aniya nila ang nasabing suspek pero tumangging magbigay ng detalye ukol dito dahil may ongoing operations.

Una nang naaresto nitong Miyerkules sa Del Gallego, Camarines Sur, ang dalawang suspek na sina Florencio Suarez at Robertlyn Gumacay.

Anila, inarkila lamang daw sila para patayin ang alkalde kung saan si Suarez ang shooter habang si Gumatay ay nagpaputok din.

Samantala, mas matimbang ang anggulo na may kinalaman sa negosyo ang lumalabas na motibo sa pagpatay kay Mayor Bote.

Ayon sa PNP chief, batay sa mga nakukuha nilang impormasyon at ebidensiya, napupunto sa alitan sa negosyo ang motibo sa pagpatay.

Tiyak din daw si Albayalde na hindi rehistrado ang baril na ginamit sa pagpatay kay Mayor Bote na isang caliber .45 pistol.