KORONADAL CITY – Tila nabunutan ng malaking tinik ang pamilya Magon matapos mabalitaang nahuli na ang kanilang kaanak at suspek sa nangyaring masaker sa Prk. Pag-asa, Brgy. Rizal, Banga, South Cotabato.

Ito’y matapos nasa kustodiya na ngayon ng Banga PNP ang suspek na si alyas Paul Bautista o Gido Chemery Blatang sa tunay na buhay makaraang makita ng Cafgu na si Mike Lozano at isinumbong sa pulisya.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Bautista, ginawa niya ang pananaga sa kaniyang mga kaanak dulot ng kinikiim na galit bunsod ng diskriminasyon sa kaniya sa pagiging B’laan at sa pangmamaliit sa kaniya sa matagal nang panahon.

Sumakay pa ang suspek sa motorsiklo ng Cafgu na si Lozano at sinabi nitong pupunta siya sa Tacurong City bago pa man mahuli ng mga otoridad.

Sa ngayon labis aniya ang kaniyang pagsisisi sa kaniyang ginawa at humihingi ng kapatawaran sa kaniyang mga kaanak.

Samantala, agad naman na ibinigay ni Mayor Albert Palencia ng bayan ng Banga ang P200,000 na reward sa unang nagbigay ng impormasyon sa suspek.

Nakatakda na ring sampahan ng kaukulang kaso si Bautista.