-- Advertisements --

Nilinaw ng Department of Health (DOH) na hindi ikinokonsidera ng pamahalaan ang mass burial sa mga pasyenteng namatay dahil sa COVID-19.

Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, may kapasidad pa ang lahat ng ospital sa bansa para hawakan ang cadaver o bangkay ng mga pasyenteng namatay at hindi pa nakukuha ng kanilang kamag-anak.

“Hindi pa ito kailangan. Sa halip, naghahanda ang ibang ahensya ng iba pang pasilidad tulad ng mobile freezer upang tulungan ang mga ospital sakaling lumagpas sila sa kanilang kapasidad.”

Nitong nakalipas na weekend nga nang maglunsad ng mass burial ang New York City sa Amerika dahil sa halos 8,000 ng namatay dahil sa COVID-19 sa kanilang estado.

Dito naman sa Pilipinas, itinanggi ng government hospital na East Avenue Medical Center sa Quezon City ang ulat na nagkakaubusan na sa kanila ng body bags at nakapwesto na sa hallway ng pagamutan ang mga unclaimed bodies.

Aminado si Usec. Vergeire na posibleng may mga confirmed cases ng COVID-19 sa bangkay ng mga pasyenteng namatay at hindi pa nakukuha ng kanilang kamag-anak sa ilang ospital.

Kaya tiniyak nito ang mahigpit na koordinasyon ng tanggapan sa mga pagamutan at local government units.

“Mula sa aming meeting kasama ang National Capital Region hospitals, maga-assign ang DILG ng focal person para mag-coordinate ng mga concerns tungkol sa pangangasiwa ng cremation o hindi kaya pagsasaayos ng labi ng mga pumanaw.”

“Bukod sa cremation, sinabi rin na ang paglilibing ng mga cadaver na nag-positibo ay pinapayagan kung ito ay gagamitan ng dalawang properly sealed body bag.”