-- Advertisements --

Nanawagan si AAMBIS-OWA Party-list Rep. Sharon Garin sa mga kapwa niya mambabatas na aprubahan na ang panukalang naglalayong palakasin ang financial at organizational capacity ng Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC).

Ginawa ito ni Garin matapos na manalasa ang Bagyong Quinta at Super Typhoon Rolly kamakailan na nagdulot ng malaking pinsala sa sektor ng agrikultura.

Naniniwala si Garin na sa pamamagitan nang pagdagdag sa authorized capital stock ng PCIC ng P10 billion mula sa kasalukuyang P2 billion ay mas epektibo ang ayudang ibibigay sa mga maliliit na mga magsasaka at mangingisda.

Sa ilalim ng panukala, inaatasan ang PCIC na i-insure ang mga pag-aari at pasilidad ng pamahalaan na ginagamit sa mga agriculture-fishery-forestry projects, kabilang na ang reinsurance coverage ng mga pribado at pampublikong insurance companies.

Layon ding ng panukalang ito na mapasama sa reinsurance coverage ang mga weather index-based insurance at reinsurance para sa palay at corn crops, high-value commercial crops, livestock, aquaculture at fishery products, agroforestry crops, at forest plantations.

Pinapayagan din sa ilalim ng panukala ang PCIC na palawigin ang life at accident insurance coverage para sa mga magsasaka, mangingisda, at maging ang kanilang mga dependents.