Lusot na sa ikalawang pagbasa ng Kamara ang panukalang amiyendahan ang Motor Vehicle Road User’s Tax (MVURT).

Hangad ng House Bill 6136 na taasan ang MVURT, kung saan inaasahang kikita ang pamahalaan ng P200 billion mula 2020 hanggang 2024.

Malaking bahagi sa kikitain dito ng gobyerno sa Public Utility Vehicle (PUV) Modernization Program.

Ayon kay House Committee on Ways and Means chairman Joey Sarte Salceda, ang tax ng mga sasakyan na may gross vehicle weight (GVW) na hanggang 1,600 kilograms ay gagawing P2,080 ngayong 2020; P2,560 naman sa 2021; at P3,040 sa 2020.

Magiging P10,400 naman ang buwis na ipapataw ngayong 2020; P12,800 sa 2021; at P15,200 kapag ang GVW ay mas mataas sa 2,300 kilograms ang isang passenger car.

Kapag mas mataas sa 1,600 kilogram pero hindi naman lalagpas sa 2,300 kilogram ang isang sasakyan ay bubuwisan ng P4,680 sa kasalukuyang taon; P5,760 sa susunod na taon at P6,840 pagsapit ng 2022.

Nakasaad din sa panukalang ito na kailangan magbayad ng P1.40 unitary tax sa kada kilo ng GVW ang mga utility vehicles tulad ng mga bus, truck at trailers.

Sisingilin naman ng P2.50 kada kilo ng GVW sa 2021 at P3.40 para sa 2022.

Pagsapait ng 2023, tataasan pa ng limang porsiyento ang MVURT bawat taon.