Dinipensahan ni presidential adviser on entrepreneurship Joey Concepcion ang mungkahi niyang gumamit ng vaccine passess sa pagpasok sa mga establisiyemento.

Iginiit ni Concepcion na hindi naman discriminatory ang mungkahi niyang ito kahit pa marami pa rin sa mga Pilipino ang hindi pa nababakunahan dahil kahapon lamang nagsimula ang inoculation sa mga essential workers o A4 category na nasa 35.5 million ang kabuuang bilang.

Mayroon naman kasi aniyang karapatan ang bawat Pilipino na pumili kung sila ba ay magpapabakuna o hindi, pero kung magdesisyon silang huwag sumailalim sa inoculation program ng pamahalaan ay natural lamang na restricted ang kanilang galaw.

Sinabi ni Concecpion na sa pamamagitan nang pagbibigay ng mas malawak na access sa iba’t ibang lugar sa bansa para sa mga nabakunahan na kontra COVID-19 ay unti-unting mabubuksan naman ang tourism sector.

Naniniwala siya na sa pamamagitan nang pagbibigay ng incentives ay mahihikayat ang publiko na magpabakuna na rin sa lalong madaling panahon laban sa COVID-19.

Ayon kay Concepcion, nakausapt na ng private sector si Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat at kokonsultahin din ang mga doktor na tumatayo bilang mga adivisers ng pamahalaan.

Dagdag pa nito, kailangan ang national vaccination card para sa mga babiyahe sa ibang bansa.