Marcelito Feb AGT

Nilinaw ni Marcelito Pomoy na sa susunod na buwan pa uli siya aabangan ng mga kababayang Pinoy sa “America’s Got Talent (AGT): The Champions.”

Ito’y para mismo sa showdown ng iba pang makakapasok sa semi finals.

Ayon sa 35-year-old Filipino singer, sa ngayon ay hangad niyang ipagdasal na siya ng mga tagasuporta para sa inaasahan niyang mas gitgitang labanan sa international contenders.

Hiling din nito na sana ay huwag madismaya sa kanya sakaling hindi palaring makausad sa susunod na round.

Noon nakaraang linggo ay nagpakitang-gilas si Pomoy sa trademark nitong duet na “The Prayer” kung saan siya ang kumanta sa panlalaki at pambabaeng bahagi ng nasabing awitin.

Sa umpisa pa lamang ng performance ni Pomoy, bakas na ang pagkamangha ng AGT judges kung saan unang nagbigay ng standing ovation ang German-American model na si Heidi Klum.

Kahit ang prangkang music producer at judge na si Simon Cowell ay “perfect score of 10” ang ibinigay kay Pomoy.

Kasama ni Pomoy sa pagpasok sa AGT stage ang kanyang misis na hindi mapigilan na maging emosyonal.

Ang “Pilipinas Got Talent” second season grand champion na si Pomoy ay nakilala sa kaniyang “doble-kara” talent, kung saan kumakanta siya ng boses ng babae at lalaki para sa iisang awitin.

Una siyang nakilala sa labas ng bansa sa pagkakaroon ng “golden female voice” ay nang maging guest sa “The Ellen DeGeneres Show” noong 2018.