CAGAYAN DE ORO CITY – Makasaysayan ang araw ngayong Oktubre 17, 2019, para sa mga biktima ng urban warfare ng Marawi City noong 2017.

Kaninang umaga, nag-umpisa ang Marawi Liberation Day Celebration sa pamamagitan ng wreath laying ceremony.

Dito ay aabot sa 168 sundalo ang kinilala sa kanilang kabayanihan sa panahong sinagupa ang mga teroristang Maute Islamic State of Iraq and Syria.

Ayon kay Marawi City Mayor Majul Gandamra, binigyan na ng “go signal” ng mga otoridad ang mga residente sa MAA o mostly affected area na makapagtayo ng kanilang bahay pero hindi muna nila papayagang matirahan dahil sa kaulangan ng basic services.

Halimbawa rito ang kagaya ng water system at wala pang installation ng kuryente.

Kasabay nito, umabot sa 101 pamilya mula sa Saduc Proper, Raya Saduc, South Madaya, ang Dagubduba, ang mabibiyayaan sa inilunsad na ground breaking ceremony ng Social Housing Finance Corporation.

Aabot sa 1.8 ektarya ng lupa ang patatayuan sa pabahay sa tulong ng P10-M US dollar funding mula sa gobyerno ng Japan.

Pamamahalaan ng United Nations Human Settlements Programme ang programa sa ilalim ng proyektong Rebuilding Marawi through Community-Driven Shelter and Livelihood Project.

Una rito sa pamamagitan ng ground breaking noong nakaraang linggo, magpapatayo ang National Housing Authority sa Barangay Kilala, ng Marawi City sa aabot 500 pabahay.