Nakahanda nang ituloy ng pamahalaang lungsod ng Maynila ang pagbakuna kontra COVID-19 sa mga frontline personnel mula sa essential sectors at local government officials, o ang mga napapabilang sa A4 category, ayon kay Mayor Isko Moreno.
Sinabi ni Moreno na nakamit na nila ang minimum requirement na itinakda ng Department of Health (DOH) para sa pagbakuna sa mga target recipients sa ilalim naman ng A3 category, na kinabibilangan ng mga mayroong comorbidities.
Ayon kay Moreno, pasok sa A4 category ang mga barangay officers at police personnel.
Pero sa kasalukuyan ang available na bakuna aniya sa lungsod ay sasapat pa lamang sa second dose ng mga recipients mula A1 hanggang A3 categories.
Para kay Moreno, ang vaccination program sa Maynila ay “on tracK” pa rin sa kasalukuyan.
Aabot na aniya sa 33,603 indibidwal ang nabakunahan na kontra COVID-19 sa kanilang lungsod.